PNU at KWF, Nagkaisa sa Pagtatatag ng Kauna-unahang Sentro ng Wika at Kultura sa Rehiyon

PNU at KWF, Nagkaisa sa Pagtatatag ng Kauna-unahang Sentro ng Wika at Kultura sa Rehiyon

Bilang pagkilala sa mahalagang gampanin ng Pamantasang Normal ng Pilipinas bilang Pambansang Sentro sa Edukasyong Pangguro, minarapat ng Komisyon sa Wikang Filipino na maisapormal ang isang kasunduan kung saan ay magagamit ang lawak ng impluwensya at kahusayan ng PNU sa pagpapayabong ng wika at kultura sa bansa. Nilagdaan kaninang umaga, ika-16 ng Marso 2026, ang Memorandum ng Unawaan (MOU) sa pagitan ng dalawang institusyon na magtatatag ng kauna-unahang Sentro ng Wika at Kultura (SWK) sa rehiyon.

Ang PNU-SWK ay mangunguna sa iba’t-ibang gawaing naglalayong isulong at ipalaganap ang wikang Filipino at iba pang wika sa Pilipinas tulad ng pananaliksik, pagtitipon, palihan, at iba pang kaugnay na pagtitipon at proyekto.

Kasabay ng lingguhang seremonya ng pagtataas ng watawat sa PNU, isinagawa rin ang paglalagda ng MOA. Ang dokumento ay nilagdaan ni Atty. Marites A. Barrios-Taran, Tagapangulo ng KWF at ni Dr. Bert J. Tuga, Pangulo ng PNU. Ito naman ay sinaksihan ng Komisyoner ng KWF na si Dr. Carmelita C. Abdurahman at ng Pangalawang Pangulong Pang-akademiko ng PNU na si Dr. Marilyn U. Balagtas.

Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Dr. Tuga ang taos-pusong pasasalamat sa tiwalang ibinigay ng Komisyon sa PNU. Ipinahayag niya na buo ang suporta ng pamantasan sa mga magiging proyekto ng nasabing sentro sa pakikipagtulungan ng Faculty of Languages and Literature at ng Language Study Center.

Samantala, binigyang-diin ni Atty. Barrios-Taran sa kanyang mensahe na angkop lamang na sa PNU magsimula ang pagpapayabong at pagpapasigla ng wikang Filipino at mga katutubong wika dahil dito hinuhubog ang mga mahuhusay na guro na siya ring magtuturo sa susunod na henerasyon ng pagmamahal at pagpapahalaga sa kultura, kasaysayan, wika, at bayan.

Pinasinayaan din ang isang exhibit ng KWF sa unang palapag ng silid-aklatan ng pamantasan. Dito ay mamamahagi ng mga libreng aklat ang komisyon para sa mga mag-aaral at iba pang miyembro ng komunidad ng PNU.